Gagawin ng pamahalaan ang lahat upang masiguro na hindi na mauulit na mayroong mawawalan ng buhay dahil sa mga kalamidad o sakuna na papasok o tatama sa bansa.
Sa distribusyon ng Presidential Assistance sa Talisay, Batangas, ngayong araw (November 4), sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na nakatutok ang gobyerno sa pagpapalakas ng kahandaan ng bansa sa pagtugon sa anomang kalamidad na posible pang dumaan sa Pilipinas.
“Layunin natin na hindi na maulit ang pagkawala ng buhay dahil sa kalamidad. Totoo na mas matindi ang mga bagyo ngayon – mas malawak, mas malakas, mas mabilis ang pagbabago.” -Pangulong Marcos.
Kabilang na dito ang pagpapatibay ng mga imprastruktura, at pagpapa-igting ng pagpapakalat ng angkop na impormasyon sa publiko.
Inatasan ng pangulo ang DOST na palakasin ang kanilang warning system, para sa napapanahong alerto, kaugnay sa panganib na dala ng mga bagyo.
“Kaya inuulit ko ang mga kautusan sa mga ahensya ng pamahalaan. Una, inaatasan ko ang DOST na pagbutihin ang kanilang warning system upang makapagbigay ng napapanahong babala sa mga panganib dulot ng mga bagyo” -Pangulong Marcos.
Gayunrin ang pagsisiguro ng epektibo at mas mabilis na komunikasyon sa pagitan ng National at Local Government.
“Inatasan ko na rin ang DOST at DILG na siguruhin ang tama at maayos na komunikasyon sa mga lokal na pamahalaan upang maging handa naman sila ‘pag parating ang kalamidad.” -Pangulong Marcos.
Inatasan na rin ng pangulo ang NIA, DOE, DENR, at MWSS, upang unti- untiin ang pagbabawas ng tubig sa mga dam, kahit wala pa ang bagyo, upang hindi mabigla ang mga dam, at maiwasan ang pagbaha sa mga komunidad na malapit sa mga dam.
Ang NDRRCM naman at iba pang tanggapan ng pamahalaan, dapat reviewhin ang kanilang disaster response at protocol, para sa mas mabilis na pagtugon sa pangangailangan ng mga komunidad.
“Ang DPWH ay tinagubilinan natin na pagbutihin ang slope protection design ng ating mga kalsada at tulay nang matiyak na ito ay angkop sa pagbabago ng klima.” -Pangulong Marcos. | ulat ni Racquel Bayan