Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pamamahagi ng P60-M na presidential assistance sa anim na munisipalidad ng Batangas na lubhang naapektuhan ng nagdaang bagong Kristine.
Tig-P10-M ang natanggap ng Laurel, Talisay, Agoncillo, Cuenca, Lemery, at Balete.
Nasa P10,000 naman ang ipinagkaloob para sa mga piling magsasaka at mangingida sa lugar. Mula sa Agoncillo, nasa 1,599 na magsasaka at mangingisda ang mapagkakalooban ng tulong. Nasa 1,500 naman sa Laurel, at 1,279 mula sa Talisay.
“Makakatanggap po ng tig-sampung libong piso ang mga piling magsasaka at mangingisda na labis na tinamaan ng bagyong ito,” -Pangulong Marcos.
Ayon sa pangulo, umaasa ang pamahalaan na ang ayudang ito ay makakatulong sa muling pagbangon ng mga komunidad sa Batangas, mula sa pinsalang iniwan ng bagyo.
“Mula sa Tanggapan ng Pangulo, magkakaloob tayo ng P60-M na tulong na ipapamahagi ng DSWD para sa mga munisipalidad ng Batangas, kasama na rito ng Talisay, na lubhang naapektuhan ng Bagyong Kristine,” -Pangulong Marcos.
Bukod sa cash assistance, nagkaloob rin ng construction materials ang gobyerno.
“Nagpapasalamat ako sa lahat ng tumutulong at nagpakita ng kanilang kakayanan para sa kapakanan ng ating kapwa. Salamat ulit sa Metrobank at iba pang pribadong sektor na nagbigay ng mga donasyon at patuloy na tumutulong sa lahat ng mga naapektuhan ng bagyo… Sama-sama po tayong magtanim ng pag-asa at magtulungan para sa mas ligtas, handa, at progresibong Bagong Pilipinas,” -Pangulong Marcos.
Habang inatasan rin ng pangulo ang iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan na palakasin ang kanilang effort upang mapababa ang impact na iniiwan ng mga sama ng panahon at iba pang sakuna, na papasok at tatama sa bansa.
“Kaya inuulit ko ang mga kautusan sa mga ahensya ng pamahalaan. Una, inaatasan ko ang DOST na pagbutihin ang kanilang warning system upang makapagbigay ng napapanahong babala sa mga panganib dulot ng mga bagyo. Inatasan ko na rin ang DOST at DILG na siguruhin ang tama at maayos na komunikasyon sa mga lokal na pamahalaan upang maging handa naman sila ‘pag parating ang kalamidad.” -Pangulong Marcos.
Ngayong araw rin, dumalo ang pangulo sa National Mourning Mass, para sa mga biktima ng Bagyong Kristine. Base sa datos, nasa 61 ang mga nasawi sa Batangas, dahil sa mga pagbaha at landslide na dala ng bagyo. | ulat ni Racquel Bayan