Patuloy ang pagkikipag-ugnayan ng Philippine National Police (PNP) sa mga lokal na pamahalaan na maaapektuhan ng paparating na bagyong Marce.
Sa isang pulong balitaan sa Camp Crame, inihayag ni PNP Spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo na nagbigay na ng direktiba si PNP Chief Police General Rommel Franciso Marbil, na paghandaan ito at makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan na tatamaan ng bagyo.
Ayon kay PBGen Fajardo, ang PNP ay nakahandang magbigay ng tulong sa mga lokal na pamahalaan kung magkakaroon ng mga pre-emptive evacuation upang matiyak na hindi magiging malubha ang epekto ng bagyo.
Nanawagan din si Fajardo sa publiko partikular na sa mga nakatira sa mababang lugar at mga lugar na maaaring magkaroon ng mga pagguho ng lupa na lumikas ng maaga, upang maiwasan ang nangyari sa Batangas noong kasagsagan ng bagyong Kristine kung saan marami ang nasawi.
Samantala, patuloy din ani Fajardo ang ginagawang pagtulong ng mga pulis sa Region 5 dahil sa mga isinasagawang relief at disaster operation katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan. | ulat ni Diane Lear