Nanindigan ang Philippine National Police (PNP) na lehitimo ang isinagawa nitong pagsalakay sa Century Peak Tower sa Malate, Maynila, kung saan naaresto ang 69 na dayuhan dahil sa umano’y pagkakasangkot sa love scam at cryptocurrency scam.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo, walang kaukulang permit ang target na kumpanyang Vertex Technology, na nagpalit ng pangalan at naging Quantum Solutions.
Ginawa ni Fajardo ang pahayag matapos magsampa ng reklamo ang management ng gusali kay Interior Secretary Jonvic Remulla laban sa PNP.
Kasama umano sa raid ang PAGCOR at Securities and Exchange Commission, dahil sa paglabag ng mga subject ng warrant sa Securities Regulation Code.
Sinabi ni Gen. Fajardo na karapatan ng kumpanya na magreklamo, ngunit iginiit niyang legal ang isinagawang pagsalakay laban sa Quantum. Ang 69 na dayuhan na naaresto ay isinailalim sa beripikasyon at nai-turn over na sa kani-kanilang embahada.
Nilinaw din ni Fajardo, na ang 23rd floor lamang ng Century Peak Tower ang sakop ng search warrant at hindi ang buong gusali.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang beripikasyon at pag-aaral sa laman ng mga computer ng Quantum Solutions. | ulat ni Diane Lear