Higit ngayong kailangan na palakasin ang disaster risk reduction management system ng bansa ayon sa isang kongresista.
Sa privilege speech ni Ako Bicol party-list Rep. Jill Bongalon, binigyang diin niya ang kahalagahan na maisabatas ang ilang panukalang layong palakasin ang ating disaster risk reduction management agencies matapos manalasa ang bagyong Kristine.
Giit niya na kahit pa modernong flood control system ay hindi kinaya ang dalang tubig ulan ng bagyong Kristine dahilan para maranasan ang malawakang pagbaha sa kalakhan ng Bicol region.
“When a storm stalls over a region for 24 hours, saturating the land with torrential rain, it exceeds the capacity of any human-made infrastructure to contain or redirect the volume of water. The sheer amount of rainfall Typhoon Kristine unleashed in just a single day was beyond the limits of what any engineered solution could manage.” Sabi ni Bongalon.
Kaya naman aniya higit na kailangan na pag-ibayuhin ang disaster preparedness, pagkakaroon ng early warning systems, at pangmatagalang climate change mitigation.
Bunsod nito, umapela ang mamabatas sa mga kasamahan sa Kongreso na pagtibayin na ang amyenda sa Republic Act No. 10121 o Philippine Disaster Risk Reduction and Management System upang ayusin ang organizational structure ng kasalukuyang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) system para masigurong mabilis itong makakatugon sa mga kalamidad.
Isa rin ang House Bill 8463 sa mga dapat aniyang mapagtibay na.
Layon nito ang pagtatatag ng disaster food banks at stockpiles sa lahat ng probinsya at highly urbanized city sa bansa.
Sa paraan aniya ito ay matitiyak na may istratehikong supply ng pagkain at iba pang batayang pangangailangan ang mga vulnerable community kahit may bagyo.
Inihalimbawa niya ang nangyari sa Bicol kung saan naging pahirapan ang pagdadala ng relief packs dahil sa mga kalsadang hindi madaanan bunsod ng pagbaha. | ulat ni Kathleen Forbes