Walang tigil ang Department of Social Welfare and Development sa paggawa ng family food packs para ipamahagi sa mga sinalanta ng bagyong Kristine, Leon at posibleng epekto ni bagyong Marce.
Ayon kay National Resource and Logistics Management Bureau Chief Administrative Officer Irish Flor Yaranon, target nilang makagawa ng 20,000 kahon ng family food packs kada araw.
Patuloy na pinalalakas ng DSWD ang repacking efforts ng ahensya bilang paghahanda na rin kay bagyong Marce habang papalapit ito sa Northeastern Luzon.
Kahapon, nagpadala pa ng 18,700 Family Food Packs ang DSWD patungong Bicol Region mula sa Visayas Disaster Resource Center sa Mandaue City, Cebu.
Patuloy ding ginagamit ng ahensya ang logistic assistance ng Philippine Coast Guard sa paghahatid ng tulong sa nasabing rehiyon. | ulat ni Rey Ferrer