Nanindigan ang Philippine National Police (PNP) na ginalang nila ang karapatang pantao sa isinagawang imbestigasyon sa pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Ito ay matapos na bawiin ng isa sa mga suspek na si Jhudiel Rivero alyas Osmundo Rivero ang kanyang sinumpaang salaysay, at sinabing tinorture siya para aminin ang kanyang partisipasyon sa krimen at ituro si Representative Arnulfo Teves bilang mastermind.
Sa isang statement, iginiit ni PNP Public Information Office Chief Brigadier General Red Maranan, na ang paggalang sa karapatang pantao ay istriktong inoobserbahan sa Police Operational Procedures.
Mayroon aniyang mga Human Rights desk ang PNP sa lahat ng kanilang himpilan, kung saan maaaring lumapit ang sinumang indibidwal na may concern, reklamo o pangangailang ng tulong.
Sinabi pa ni Maranan, ang “testimonial evidence” ay maaaring impluwensiyahan ng pansariling motibo, at mas inaasahan ng PNP ang “objective facts and scientific findings” bilang pundasyon ng malakas na kaso. Ngayong naisampa na ang mga kaso, sinabi ng PNP na tiwala sila sa sistema ng hudikatura para maghatid ng katarungan sa mga biktima at kanilang mga pamilya. | ulat ni Leo Sarne