Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na dinala si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Leader Pastor Apollo Quiboloy sa Philippine Heart Center dahil sa nararamdaman nitong paninikip ng dibdib.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni PNP Spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo na noong Huwebes, November 7 ay dumaing ng paninikip ng dibdib si Quiboloy, dahilan para magsagawa ng medical examination ang PNP General Hospital.
Ayon kay Fajardo, lumalabas sa resulta ng medical examination na mayroon itong irregular heartbeat na maaaring maikonsidera na life threatening. Kaya naman inirekomenda ng PNP General Hospital na masuri ito nang maigi ng mga eksperto, dahil baka ito ay posibleng maging seryosong kondisyon.
Sinabi ni Fajardo na agad ding dinala sa Philippine Heart Center noong Biyernes, November 8 si Quiboloy alinsunod sa utos ng Pasig Regional Trial Court, at dapat sana kaninang alas-12 ng tanghali ay nakabalik na ito sa PNP Custodial Center.
Ngunit nakatanggap aniya ang PNP Custodial Center ng kopya kaninang umaga ng utos ng Pasig RTC, matapos humiling ang kampo ni Quiboloy na palawigin ang medical furlough nito hanggang sa November 16 ng alas-5 ng hapon para makumpleto ang iba pang medical examination nito.
Kabilang naman sa mga medical examination na isasagawa kay Quiboloy ay ang 2D echo, stress test, blood chemistry, at iba pang heart related examination.
Dagdag pa ni Fajardo, na guwardiyado ng mga pulis ang kwarto ni Quiboloy at limitado lamang ang pinapayagan makabisita rito.
Sa ngayon ani Fajardo ay nasa maayos naman ang kondisyon ni Quiboloy. | ulat ni Diane Lear