Agad nang tumulak ang Philippine Air Force (PAF) patungong Catanduanes para ihatid ang tulong matapos ang paghagupit ng Super Bagyong Pepito.
Sa pahayag, sinabi ni Air Force Spokesperson, Col. Ma. Consuelo Castillo na ikinarga ang nasa 1,300 family food packs mula Mactan City sa Cebu patungong Virac lulan ng C-130 aircraft nito.
Nagmula ang nasabing family food packs sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Bukod sa relief operations, nagsagawa na rin ang PAF ng Rapid Damage Assessment and Needs Analysis gamit ang isang Black Hawk helicopter sa mga rehiyon ng Bicol gayundin sa Central Luzon.
Layunin ng assessment na ito na matukoy ang lawak ng pinsala at ang mga agarang pangangailangan ng probinsiya matapos ang hagupit ng bagyo. | ulat ni Jaymark Dagala