Ikinasa ng House Committee on Public Order and Safety ang motu proprio inquiry tungkol sa mga pulis na naapektuhan ng pag-sunod sa pagpapatupad ng war on drugs ng nakaraang administrasyon.
Ayon kay Sta. Rosa City Rep. Dan Fernandez, chair ng komite, layunin ng pag-dinig na ito na matulungan ang mga pulis na nahaharap sa kaso, nakulong, nasugatan at nasawi dahil sa pagpapatupad ng war on drugs.
Giit niya, may ilang mga kapulisan na sumunod lang naman sa utos ng kanilang superiors, ngunit ngayon ay naiwan sa ere.
Ito ay kahit pa may pangako na noon si dating Pang. Rodrigo Duterte na tutulungan niya ang mga pulis na mahaharap sa kaso sa pagpapatupad ng giyera kontra iligal na droga.
“So we decided na magkaroon tayo ng hearing dito, precisely on the issue of those policemen. Kasi ang nararamdaman natin parang, biktima rin sila nung mga orders nung nakaraang administration and we wanted to find out. Kasi basically ang sinasabi po ng ating dating pangulo na sagot nyo yung mga kapulisan. But andaming mga policemen, may mga rango, na pumupunta sa amin nagkocomplain sila because they follow yung mga orders before, but unfortunately sila pa ngayon ang nawala at na-dismiss at yung iba nakakulong pa.” sabi ni Fernandez
Katunayan, nag-usap na rin aniya sila ng mga miyembro ng komite na maliban sa legal na tulong at mabigyan din ang mga pulis na ito ng tulong pinansyal.
Isang special account aniya kanilang bubuoin upang pagkunan ng ayuda para sa mga pulis na nahaharap ngayon sa kaso.
“So ang purpose ng hearing na ito is how can the Congress can help them legally and financially. So we requested yung mga members…didiscuss namin ito, magkaroon tato ng special account for these mga members natin ng PNP na dumanas ng kaso, nakulong tapos yung iba namatayan at yung iba nasugatan.” Ani Fernandez. | ulat ni Kathleen Forbes