Nakarating na sa Bicol Region ang mga truck na bahagi ng Tabang Bicol, Tindog Oragon relief caravan ng Kamara ayon kay Deputy Secretary General Sofonias Gabonada.
Sakay ng 24 na truck na ito ang relief goods at rehabilitation items para sa mga pamilyang naapektuhan ng magkakasunod na bagyong tumama sa Pilipinas, pinakahuli ang bagyong Pepito.
Ayon kay Gabonada, bandang alas-10 ng umaga nakarating sa Camarines Norte at Camarines Sur ang mga truck at ang kalahati sa mga ito ay bumibiyahe na rin pa-Albay at pa-Catanduanes.
Kasama sa tulong na dala ng relief caravan ang 650,000 kilos ng bigas na ipapamahagi sa mga naapektuhang pamilya sa Bicol Region.
Nakapaglaan na rin aniya ng pondo na aabot sa P850 million para sa pagbibigay ng tulong pinansyal sa may 170,000 na benepisyaryo.
Katunayan, November 13 pa lang aniya ay sinimulan na ang pay out.
Inaasahan na bibisita rin ani Gabonado si Speaker Romualdez sa Catanduanes sa Huwebes para sa pamamahagi ng ayuda. | ulat ni Kathleen Forbes