Umakyat na sa 12,629 ang bilang ng mga magsasaka at mangingisda sa bansa na apektado ng matinding ulan at bahang dulot ng Bagyong Nika, Ofel at Pepito, ayon yan sa Department of Agriculture.
Sa pinakahuling bulletin ng DA, kabilang sa mga rehiyong nagtala ng pinsala ang Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Bicol Region at Eastern Visayas.
Aabot na rin sa kabuuang P297.25-M ang halaga ng pinsala sa higit 13,000 ektaryang apektado ng kalamidad.
Pinaka-apektado ang high value crops, na may 850 ektaryang napinsala na katumbas ng P107-M.
Patuloy naman ang assessment at koordinasyon ng DA sa mga apektadong lugar para sa ilalaan nitong tulong sa sektor.
Kabilang dito ang nasa P84.88-M halaga ng agri inputs, fish stocks at paraphernalia mula sa BFAR, Survival and Recovery (SURE) Loan Program at Quick Response Fund (QRF). | ulat ni Merry Ann Bastasa