Gumulong na ang imbestigasyon ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa mga pinakawalang banta ni Vice President Sara Duterte.
Ito’y makaraang ibunyag ng Pangalawang Pangulo nitong weekend na may kinontrata siyang “hitman” para ipapatay umano sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr, First Lady Liza Araneta – Marcos at House Speaker Martin Romualdez sakaling mamatay siya.
Sa pulong balitaan sa Kampo Crame ngayong umaga, sinabi ni CIDG Director, PBGen. Nicolas Torre III na sentro ng kanilang isasagawang imbestigasyon ay tukuyin ang sinasabing “hitman”.
Ayon kay Torre, nais nilang malaman kung totoong tao ba ang tinutukoy ni VP Sara o isa lamang itong figure of speech.
Gayunman, binigyang diin ni Torre na ang kanilang iniimbestigahan ay ang mga pangyayari at hindi partikular ang persona ng Pangalawang Pangulo ng bansa. | ulat ni Jaymark Dagala