Tiniyak ngayon ng Philippine National Police (PNP) ang kahandaan nitong magbigay ng karagdagang seguridad sa paligid ng Palasyo ng Malacañang.
Ito’y makaraang magtaas ng alerto ang Presidential Security Command (PSC) sa bisinidad ng Palasyo kasunod ng banta ni Vice President Sara Duterte laban kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta-Marcos.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, Police Brig. Gen. Jean Fajardo, hinihintay lamang nila ang abiso mula sa PSC kung mayroong pangangailangan ng karagdagang puwersa at kanila naman itong ibibigay.
Sa ngayon, nananatiling normal naman ang alerto sa buong bansa, subalit kanila nang ipinauubaya sa mga regional commander kung magtataas sila ng alerto depende sa sitwasyon sa kanilang nasasakupan.
Pero sa ngayon ani Fajardo, wala pang utos si PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil kung sasabay sila sa pagtataas ng alerto ng PSC kaugnay ng usapin.
Una nang iginiit ng National Security Council (NSC) na maituturing na ‘NATIONAL SECURITY CONCERN’ ang pagbabanta ng Bise Presidente laban sa First Couple. | ulat ni Jaymark Dagala