Muling tiniyak ng Bureau of Jail Management and Penology ang kanilang kahandaan sa paglipat sa kanilang kustodiya ng Televangelist na si Apollo Quiboloy.
Ito’y matapos maglabas ng kautusan ang Pasig City RTC 159 na ilipat sa Pasig City Jail si Quiboloy matapos ang kanyang medical furlough sa Philippine Heart Center.
Ayon kay BJMP Spokesperson Jail Supt. Jayrex Bustinera, matagal naman na silang nakahanda sa posibilidad na malipat sa kanilang kustodiya si Quiboloy nahaharap sa kasong qualified human trafficking.
Sakaling mailipat, sinabi ni Bustinera na ilalagay si Quiboloy sa ordinaryong selda at makikipagsiksikan sa ibang Persons Deprived of Liberty (PDLs) para mapatunayang wala silang VIP treatment.
Halos 500% kasi ang congestion rate ng Pasig City Jail kung saan ang 1 selda ay nakalaan sana sa 5 tao pero umaabot na ito sa hanggang 35 tao ang nakapiit ngayon.
Gayunman, hindi makakasama ni Quiboloy sa selda ang kanyang kapwa akusado sa kaso na si Cresente Canada na una nang inilipat sa Pasig City Jail.
Inaasahang maililipat si Quiboloy sa Pasig City Jail bago mag alas 4 ng hapon ngayong araw. | ulat ni Jaymark Dagala