Bantay sarado ng mga tauhan ng Eastern Police District (EPD) at Quezon City Police District (QCPD) ang paligid ng Shrine of Mary, Queen of Peace o mas kilala sa tawag na EDSA Shrine.
Ito’y matapos dumagsa rito ang mga sinasabing taga-suporta ng Pamilya Duterte para magsagawa ng prayer rally.
Kaninang ala-6 ng umaga, humigit kumulang sa 100 taga-suporta ng pamilya Duterte ang nagpalipas ng gabi sa likod ng EDSA Shrine subalit makalipas ang ilang oras ay nabawasan pa ito.
Tuloy-tuloy naman ang mga isinasagawang misa sa loob ng EDSA Shrine at nananatili ring normal ang daloy ng trapiko sa panulukan ng EDSA at Ortigas Avenue.
Una nang nagpaalala ang pamunuan ng EDSA Shrine na maaaring manatili roon ang mga dumagsa sa kanilang simbahan basta’t hindi sila gagawa ng anumang paglabag.
Kabilang na rito ang pagkain, pag-inom, pagdadala ng placard, vlogging at pag-iingay sa loob ng Simbahan. | ulat ni Jaymark Dagala