Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa House of Representatives (HoR) na makikipagtulungan ito sa nagpapatuloy na imbestigasyon.
Kaugnay ito sa paggamit ng Confidential Fund ng Office of the Vice President at Department of Education (DepEd) sa ilalim ni Vice President Sara Duterte.
Sa pulong balitaan sa Kampo Aguinaldo, sinabi ni AFP Spokesperson, Col. Francel Padilla na handa nilang iharap sina Col. Reymund Dante Lachica at LtCol. Dennis Nolasco sakaling kailanganin.
Magugunitang sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability, nadawit ang mga pangalan nila Lachica at Nolasco dahil sa pagkubra umano ng Confidential Funds ng Pangalawang Pangulo.
Si Lachica ang kasalukuyang Commander ng VPSPG habang una na ring kinumpirma ng AFP na dating nakatalaga rito si Nolasco subalit ngayon ay ‘on schooling’ na ito.
Giit pa ni Padilla, ang VPSPG ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Presidential Security Command na ang misyon ay upang protektahan ang kanilang principal mula sa anumang uri ng kahihiyan.
Sa huli, sinabi ni Padilla na gumugulong na ang kanilang internal investigation hinggil dito at tumanggi na siyang magbigay ng kaukulang detalye sa usapin habang hinihintay ang resulta nito. | ulat ni Jaymark Dagala