Binuksan na ng Philippine Ports Authority (PPA) ang bagong Port Operations Building (POB) sa Coron, Palawan.
Kaugnay nito, handa na ang Port of Coron sa pagdagsa ng mga pasahero partikular ang mga turista at uuwi ng probinsiya, lalo na ngayong papalapit ang Semana Santa.
Mula sa dati nitong 250 passenger capacity, aabot na hanggang 500 pasahero ang kapasida nito at kaya pang mag-extend ng hanggang 700 to 900 na pasahero kung peak season.
Mas maaliwalas na rin ang disenyo ng Port Operations Building na umiikot na lang sa mga salamin, at kulay puti at asul na lamang mula sa dati nitong iba-ibang kulay.
Kumpleto na rin sa mga pasilidad amg nasabing Port Operations Building na may all gender restroom, at breastfeeding station.
Ayon kay PPA General Manager Jay Santiago, ang Coron Port Operations Building ay isa sa mga maipagmamalaki ng PPA lalo na ngayong nagsimula na ang peak season ng mga turista sa Palawan, ngayong Marso.
Bukod naman sa konstruksyon ng back up area na 5000sqm, nasimulan na rin ang konstruksyon ng karagdagang 51 meter wharf na may dalawang RORO ramps.
Mula sa Port of Coron, nagsisilbi itong gateway sa mga tourist site sa Palawan kung saan 45 minuto mula sa pantalan makakarating na sa El Nido Palawan, at 30 minuto naman papunta sa mga destinasyon tulad ng Barracuda lake, Twin Lagoon, at Kayangan lake. | ulat ni Lorenz Tanjoco