Kumpiyansa ang binuong Special Task Force Degamo na mahuhubaran na nila ng maskara ang “mastermind” sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo gayundin sa walong iba pa.
Ito ang inihayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla kasabay ng pagtitiyak na magiging air tight ang kasong kanilang isasampa laban sa lahat ng mga sangkot dito.
Sa pulong balitaan sa Kampo Aguinaldo kahapon, sinabi ni Remulla na malakas ang hawak nilang mga ebidensya laban sa utak ng nasabing krimen at daragdagan pa ito ng salaysay ng limang dating sundalo na sumuko kamakailan.
Kasunod nito, ayaw namang patulan nila Secretary Remulla gayundin ang chairperson ng Task Force na si Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos Jr., ang pahayag ng kampo ni Negros Oriental 3rd District Representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr.
Magugunitang sinabi ng abogado ni Teves na si Atty. Ferdinand Topacio na tila may tinutumbok na ang imbestigasyon sa kaso ng pagpatay kay Degamo at iyon ay ang kaniya umanong kliyente. | ulat ni Jaymark Dagala