Kasalukuyan pang binubusisi ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang ulat ng binuong 5-Man Advisory Group.
Ito ay may kaugnayan sa inihaing courtesy resignation ng mga Police Official hinggil sa pagkakasangkot ng ilan sa mga ito sa iligal na droga.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Spokesperson, Police Colonel Jean Fajardo, Huwebes pa noong isang linggo natapos ang vetting process ng binuong advisory group.
Mula sa 953 na mga Police Official, 917 dito ang nalinis na sa iligal na droga habang may 36 pang nakatakdang isalang sa review.
Paliwanag pa ni Fajardo, rekomendasyon lang naman ang ginawa ng advisory group at may kapangyarihan pa rin itong magrebisa o magbago sa findings ng lupon.
Nakatakda namang isumite ng NAPOLCOM kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang ikinasang rekomendasyon, na siya namang magpapasya kung kaninong courtesy resignation ang tatanggapin. | ulat ni Jaymark Dagala