Aabot na sa ₱3.7-milyong halaga ng relief assistance ang naipamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga lalawigang apektado ng bagyong Amang.
Kabilang rito ang nasa higit 7,000 family food packs na naihatid sa Camarines Sur at sa Guinobatan, Albay.
Bukod sa Bicol Region, tuloy-tuloy rin ang koordinasyon ng ahensya sa iba pang lalawigan ng MIMAROPA at Davao Region na nakaranas din ng mga pag-ulan at kinailangang maglikas ng mga residente.
Sa ulat ng Disaster Response Operations Monitoring and Information Center (DROMIC) as of April 13, ay umakyat pa sa 27,063 pamilya o katumbas ng higit 100,000 indibidwal ang apektado ng bagyong Amang sa 162 na mga barangay sa bansa.
Mula sa bilang na ito, 2,627 na pamilya o katumbas ng higit 12,000 indibidwal ang nananatili pa rin sa evacuation centers.
Kaugnay nito, nakapagtala na rin ang DSWD ng 12 kabahayan na labis na nasira sa kalamidad habang apat ang partially damaged dahil sa bagyong Amang. | ulat ni Merry Ann Bastasa