Iminumungkahi ni Senador Francis Tolentino na ipagpaliban na muna ang Barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE) sa Negros Oriental sa gitna ng peace and order situation sa naturang probinsya.
Sa pagdinig ng senado tungkol sa mga kaso ng patayan sa Negros Oriental, sinabi ni Tolentino na magkakaroon ng mas malakas na momentum ang peacekeeping forces sa probinsya kung maipagpapaliban ang BSKE.
Nababahala kasi ang senador na ang kasalukuyang political situation sa Negros Oriental ay maaaring magresulta sa mas matinding kaguluhan, lalo na kung matutuloy ang barangay at SK elections sa Oktubre.
Kaugnay nito, hiniling ng mambabatas kay Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs Chairman Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa na imbitahan muli sa susunod na pagdinig si COMELEC Chairman George Garcia para mailatag ang naturang mungkahi.
Welcome naman kay Pamplona Mayor Janice Degamo ang suhestiyon na ito ni Tolentino at sinabing makakatulong ito para mapakalma ang political climate sa kanilang probinsya. | ulat ni Nimfa Asuncion