Inamin ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na nakitaan ng mga IT expert ng ilang problema ang mga data server ng PNP.
Ito ay matapos na magsagawa ng inspeksyon ang mga eksperto ng National Privacy Commission at National Telecommunications Commission (NTC) sa mga PNP server, kaugnay ng napaulat na “data breach” sa computer networks ng gobyerno.
Ayon kay Fajardo, hindi pa nila hawak ang kumpletong ulat hinggil sa mga detalye ng nakitang problema sa server ng PNP.
Gayunman, nilinaw ni Fajardo, na walang nakompromisong sensitibong impormasyon sa naturang “data breach” at tanging mga online application ng PNP ang nakitaan ng problema.
Batay sa ulat ng isang Cybersecurity Research Firm, 800 gigabytes ng data ang nag-leak mula sa mga computer record ng PNP at iba’t ibang ahensya ng gobyerno. | ulat ni Leo Sarne