Pagkakalooban ng tulong ng Armed Forces of the Philippines ang mga mangingisda sa Zambales na pansamantalang nawalan ng hanap-buhay dahil sa “no sail policy” na ipinatutupad sa isinasagawang Balikatan 38 – 2023 Joint Military Exercise.
Ayon kay AFP Spokesperson Col. Medel Aguilar, nakikipag-ugnayan na ang militar sa pamahalaan ng Zambales para matulungan ang mga apektadong mangingisda sa mga bayan ng San Antonio, San Narciso, San Felipe, Cabangan, at Botolan.
Humingi naman ng pang-unawa si Aguilar sa mga apektadong mangingisda at sinabing sila din ang makikibabang sa hinaharap, dahil sa pamamagitan ng pagsasanay militar ay mas mapoprotektahan ang ating territorial waters at ang traditional fishing grounds.
Ang Joint Littoral Live-Fire Exercise na isasagawa sa karagatan ng San Antonio, Zambales sa Abril 26, ang tampok na aktibidad ng ehersisyo.
Dito’y palulubugin ang isang lumang barko ng Philippine Navy, ang BRP Pangasinan (PS-31), na gagawing target ng lahat ng uri ng armamento ng AFP at US military. | ulat ni Leo Sarne