Hinamon ni Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr. ang DOJ na ilabas ang lahat ng ebidensya na susuporta sa mga alegasyon na ibinabato sa kaniya.
Sa isang panayam sa telebisyon, sinabi ni Teves na dapat ay ipakita ng DOJ ang mga sworn affidavit at iba pang katibayan sa pahayag ng mga umano’y witness na nag-uugnay sa kaniya sa serye ng patayan sa Negros Oriental, pinakahuli na nga ang pagkamatay ni Negros Oriental Gov. Roel Degamo.
Ani Teves, nais niyang makita ang sworn affidavit ng dati nitong body guard na si Marvin Miranda na isa ngayon sa suspek sa Degamo slay case.
Dapat din aniyang ilabas ng CAAP ang flight manifesto o record na ginamit nga ni Miranda ang helicopter ng kaniyang kompanya para tumakas matapos ang pamamaril kay Degamo.
Batay umano sa naging salaysay ni Miranda, itinuro nito si Teves na siyang nag-utos sa pagpatay sa gobernador.
Diin ni Teves, wala siyang magiging problema na magpakulong kung may matibay na ebidensyang magpapatunay sa kaugnayan niya sa naturang mga patayan.
“Yun nga ang sinasabi ko, sabi ng DOJ ganito, sabi ni Janice ganito, sabi ni Fritz ganito. Puro sabi-sabi. Dapat may sworn statement na nagsabi si Miranda na nag-usap kami. Dapat may sworn statement o may picture at may record sa CAAP na ginamit yung helicopter sa ganitong biyahe…dapat lahat evidence based…patingin ng affidavit kung may affidavit talaga si Miranda….Bakit hindi nilabas ni [Sec] Boying Remulla yung affidavit ni Miranda? Sinisiraan nila ako sa publiko na wala naman ebidensya. Wala akong problemang magpakulong basta may ebidensya…pero ayaw ko namang makulong at mamatay ng walang ebidensya.” ani Teves. | ulat ni Kathleen Jean Forbes