Nabalahaw na tren ng PNR, naibalik na sa riles

Facebook
Twitter
LinkedIn

Ganap nang naibalik sa riles ang nabalahaw na locomotive ng Philippine National Railways (PNR) na nasa pagitan ng Dela Rosa at EDSA Stations.

Ayon kay PNR General Manager Jeremy Regino, matagumpay na naibalik sa riles ang nabalahaw na locomotive sa tulong ng isang crane na siyang ginamit para mabuhat ito.

Magkakatuwang ang mga tauhan ng PNR, LRT line 2, MRT 3 gayundin ang pribadong sektor partikular na ang EEI, Ravago, Joratech at DMCI.

Matapos na maibalik sa riles ang nasabing tren, isasailalim muna ito sa masusing pagsusuri ng mga eksperto bago tuluyang hilahin ng isa pang locomotive pabalik sa Tutuban station.

Pero habang ginagawa ito, kailangan munang alisin ang crane mula sa riles gayundin ang mga batong itinabon sa dinaanan nito upang malinis ang riles at maisailalim sa worthiness check.

Sakaling masiguro nang ligtas ang nasabing rail track ay doon na magpapasya ang pamunuan ng PNR kung ibabalik na sa full operations ang nasabing tren.

Ayon kay GM Regino, bagaman target nilang maialis ang nabalahaw na tren at magbalik na sa normal ang operasyon, pangunahin pa rin sa kanilang misyon ay tiyakin ang kaligtasan ng mga pasahero

Kaya naman kung irerekomenda na ng mga eksperto na ligtas nang daanan ang riles, maaari nang maibalik sa normal ang kanilang operasyon, mula Governor Pascual sa Malabon patungong Tutuban sa Maynila, at mula Tutuban patungong Alabang gayundin sa Calamba sa Laguna. | ulat ni Jaymark Dagala

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us