Muntik nang maiyak si Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr. sa isang panayam sa telebisyon sa paggiit na may banta sa kaniyang buhay.
Sa panayam, natanong si Teves kung bakit patuloy nitong binabalewala ang panawagan ni House Speaker Martin Romualdez at maging ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na umuwi ng bansa kung inosente naman ito.
Si Teves ay iniuugnay bilang mastermind sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.
Ani Teves, ano raw ba ang mahirap intindihin sa mayroong banta sa kaniyang buhay.
“Ano bang mahirap intindihin sa ‘papatayin ka’?! Ano bang mahirap intindihin doon? Naiiyak na ako! Ano bang mahirap intindihin sa ‘papatayin ka’?!” giit ni Teves.
Dahil dito, inusisa si Teves sa kung sino ba ang nagbabalak ng masama sa kaniyang buhay.
Tugon nito, hindi na niya ito papangalanan dahil baka ma-libel siya, pero dalawang mataas na opisyal aniya ng gobyerno ang mga ito.
“Ma’am, mala-libel kasi ako kung sasabihin ko dito eh…Opisyal ng gobyerno, dalawa sila. Mataas na opisyal ma’am.” tugon ng mambabatas.
Ang isa aniya sa opisyal ang nag-utos para i-raid ang kaniyang bahay.
“Ang instruction niya ma’am, i-raid yung bahay ko, taniman. Sabay may instruction pa latest, huli ko nang nalaman na ang instruction pala barilin ako diretso dun sa bahay ko, sabihin lang lumaban ako.” dagdag ni Teves. | ulat ni Kathleen Jean Forbes