Nagsimula nang tumanggap ng mga kliyente ang Public Assistance Extension Office ng Office of the Vice President sa Lalawigan ng Batangas.
Ayon sa administrator nito na si Bernadette Sabili, hindi lamang mga taga-Batangas ang tinutulungan ng tanggapan dahil marami na rin ang lumalapit mula sa Quezon at Laguna.
Kaugnay nito, makikipag-usap si Sabili sa local chief executives upang maipabatid sa grassroots level at sa mamamayan sa rehiyon ang serbisyong hatid ng opisina ni Vice President Sara Duterte.
Bukod sa medical at burial assistance, kabilang sa mga serbisyo ng extension office ang tulong para sa radiation, chemotherapy, dialysis, laboratory tests, at pamamahagi ng wheelchair at hearing aid.
Gayunman, aminado ang opisyal na malaking hamon ang hindi pagtanggap ng guarantee letters ng mga pribadong ospital sa probinsya kaya hihimukin niya ang mga ito na tulungan ang mga nangangailangang pasyente. | ulat ni Hajji Kaamino