Ganap nang nailipat sa Custodial Center ng Philippine National Police (PNP) sa Kampo Crame ang self-confessed gunman sa Percy Lapid slay case na si Joel Escorial.
Ito ang kinumpirma ni PNP Spokesperson, Police Colonel Jean Fajardo matapos payagan ng Las Piñas City Regional Trial Court Branch 254 ang paglipat kay Escorial mula sa kustodiya ng NCRPO Special Operations Group sa Kampo Bagong Diwa.
Ayon kay Fajardo, alas-4 ng hapon nang makarating si Escorial sa Kampo Crame, kung saan isinailalim muna siya sa kaukulang documentation bago tuluyang tanggapin sa Custodial Center.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Police Major General Edgar Allan Okubo, na ang kanilang mga tauhan ang siyang naghatid kay Escorial patungo sa Kampo Crame.
Magugunitang batay sa extra-judicial confession ni Escorial, siya ang bumaril kay Lapid nang isakatuparan ang krimen noong Oktubre 3, 2022.
Una nang nagpalabas ng warrant of arrest ang nabanggit na korte laban kina dating Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gerald Bantag gayundin sa Deputy Security Officer nitong si Ricardo Zulueta. | ulat ni Jaymark Dagala