Bumisita si Vice President at Education Secretary Sara Duterte sa dalawang eskwelahan sa Negros Occidental, upang mamahagi ng laptop sa mga guro at bola para sa mga mag-aaral.
Unang nagtungo si VP Sara sa Dominador Jison Memorial Elementary School sa Silay City, kung saan nakisalamuha siya sa mga estudyante upang ipabatid ang kahalagahan ng edukasyon upang masugpo ang kahirapan.
Namigay ang pangalawang pangulo ng mga bola para sa volleyball, basketball at soccer upang himukin ang mga bata na maging aktibo sa sports.
Sa M.G Medalla Integrated School ay pinayuhan naman ni VP Sara ang high school students ukol sa pagpapatuloy ng pag-aaral sa kabila ng hamon na dulot ng maagang pagdadalantao.
Dalawampu’t siyam na laptops ang ipinamahagi sa elementary school habang 47 units sa integrated school.
Iminungkahi naman ng bise-presidente sa school heads, na magpatupad ng blended learning tuwing may kalamidad, at bawasan ang class size upang matiyak na natututukan ang pagkatuto ng mga mag-aaral. | ulat ni Hajji Kaamiño