Muling pinaalalahanan ng PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) ang publiko na mag-ingat sa pagsagot sa mga natatanggap na mensahe sa email o text para hindi mabiktima ng phishing at smishing.
Ang phishing ay ang ilegal na pagkuha sa mga personal na impormasyon gamit ang email habang ang smishing naman ay ilegal na pagkuha sa mga personal na impormasyon gamit ang text message o SMS.
Ayon kay Police Capt. Michelle Sabino, tagapagsalita ng ACG, halimbawa nito ang email at text message na naglalaman ng code at link, na kapag pinindot ay kokonekta sa isang dummy account na kukuha pa ng karagdagang impormasyon, tulad ng bank account at password.
Dapat din umanong huwag mag-panic kung sinasabi sa mensaheng na-lock out sa Bank account, at i-verify muna ito sa bangko.
Payo ng ACG sa publiko, huwag mag-reply sa mga kahinahinalang text messages at huwag i-click ang kahit anong link mula rito.
Dagdag pa ng ACG, huwag magbigay ng kahit anong impormasyon sa text o email tulad ng account number, password at one-time password o OTP. | ulat ni Leo Sarne