Tuloy-tuloy ang paghahatid ng tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga residente na apektado ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.
Ayon sa DSWD, nasa ikalawang yugto na ang DSWD Bicol Region sa pamamahagi ng family food packs sa mga apektadong residente na kasalukuyang tumutuloy sa mga evacuation center sa Albay.
Mahigit 26,000 family food packs ang nakatakdang ipamahagi ng DSWD Field Office 5 simula sa July 1 hanggang July 17.
Ito ay maaari pang madagdagan kung kinakailangan para naman sa mga pamilyang apektado na nasa labas ng evacuation centers.
Sa ngayon ay inihahanda na ng ahensya ang mga family food pack, at nakatakdang ibiyahe papunta sa bayan ng Sto. Domingo at Guinobatan para sa ikalawang yugto ng pamamahagi ng relief goods sa mga apektadong residente. | ulat ni Diane Lear