Selyado na ng militar ang Maimbung, Sulu kasunod ng bakbakan nitong Sabado sa Brgy. Bualo Lipid , sa pagitan armadong grupo ni dating Maimbung Vice mayor Pando Mudjasan at mga tropa ng PNP at AFP na nagtangkang magsibli ng arrest at search warrant.
Ayon kay 1101st Infantry Brigade Commander Brig. General Eugenio Boquio, ang pag “seal-off” sa lugar ay bahagi ng isinasagawang pursuit operations kay Mudjasan at sa kanyang grupo, para mapigilan ang posibleng pagpasok ng ibang mga “sympathizer” ni Mudjasan sa lugar.
Sinabi ni BGen. Boquio, nasa 20 hanggang 30 ang grupo ni Mudjasan na iniulat na umabot sa 50 noong mangyari ang bakbakan, kung saan karamihan ay mga kamag-anak na Moro National Liberation Front (MNLF) members.
Binigyang diin ni BGen. Boquio na hindi “sanctioned” ng MNLF si Mudjasan, at ang pagtugis ng PNP at AFP sa kanyang grupo ay isang “law enforcement operation”.
Kinumpirma din ng Heneral na kasama si Mudjasan at kanyang kapatid sa mga sugatan sa inisyal na bakbakan noong Sabado. | ulat ni Leo Sarne