Ipinagmalaki ngayon ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na pangkalahatang naging mapayapa ang pagdiriwang ng ika-125 anibersaryo ng Independence Day ngayong araw.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, P/BGen. Redrico Maranan, ito ay sa kabila ng mga naitalang kilos protesta mula sa iba’t ibang progresibong grupo na madali rin namang natapos.
Sa buong maghapong pagbabantay ng PNP sa sitwasyon sa iba’t ibang panig ng bansa, sinabi ni Maranan na wala naman silang na-monitor na untoward incident kaalinsabay ng pagdiriwang.
Maliban sa mga tauhan mula sa Regional, Provincial, City at Municipal Police Offices, naka-standby din aniya ang mga Standby Support Force mula sa iba’t ibang yunit ng pulisya para magbigay ng karagdagang seguridad sakaling kailanganin.
Gayunman, sinabi ni Maranan na patuloy silang magbabantay sa anumang sitwasyon na mangyayari upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan kaalinsabay ng okasyon. | ulat ni Jaymark Dagala