Pinangunahan ng Philippine Red Cross (PRC) ang distribusyon ng personal hygiene kits sa mga matatandang pasyente ng National Center for Mental Health.
Nasa 150 hygiene kits ang ipinamahagi nina PRC Secretary General Dr. Gwen Pang at Board of Governors Vice Chairperson Corazon Alma De Leon sa Female Aged Care and Wellness Unit.
Sinabi ni Pang, na nagsisilbing balakid sa access at pagpapanatili ng hygienic practices ang kapansanan, physical environment, diskriminasyon at di pagkakapantay-pantay.
Hinaharap aniya ng mga indibidwal na may espesyal na pangangailangan ang epekto ng social stigma na nagpapababa sa kanilang partisipasyon o pakikisalamuha.
Umaasa si Pang, na sa pamamagitan ng hygiene promotion ay maipaparamdam kahit paano sa mga pasyente ang pagmamahal at hindi sila nakakalimutan.
Aminado naman ang isa sa medical officers na si Dr. Cristina Palma na malaking tulong ang ipinamahaging hygiene kits lalo’t minsan ay naaantala ang resources o hindi nagiging sapat sa lahat ng pasyente. | ulat ni Hajji Kaamiño