Pinag-aaralan ngayon ng Federation Of Filipino Chinese Chambers Of Commerce & Industry, Inc. – FFCCCII ang posibilidad na maging major tea producer rin ang Pilipinas.
Ito ay sa ilalim ng proyektong Tea Corridor kung saan tinitingnan ang potensyal na magkaroon ng tea plantations sa bansa partikular sa Cordillera region.
Ayon kay FFCCCII President Cecilio Pedro, akma ang lupa at temperatura sa Cordillera para mapagtamnan ng mga pananim na maaaring gawing tsaa.
Aniya, nakikipag-ugnayan na sila sa Department of Agriculture pati sa ilang LGU sa rehiyon para sa plano.
Paliwanag nito, maaaring magkaroon muna ng pilot project kung saan dedeterminahin ang klase ng tsaa na itatanim, ang mga pasilidad na kakailanganin, logistics pati na ang marketing.
Bukas naman sa ideyang ito si Benguet Gov. Melchor Diclas.
Ayon sa kanya, kailangan lamang nila ng mga mamumuhunan na tutulong para masimulan at mapalago ang produksyon nito sa lalawigan.
Sa panig naman ng DA, sinabi ni BPI Director Gerald Glenn Panganiban na maaaring ikonsidera nila na maisama ang tsaa sa listahan ng High Value Crops kung mapapabilang ito sa Provincial Industry Development Plans.
Inialok din nito ang kanilang 5 research centers na maaring gamitin para makahanap ng tea varieties na papatok sa PH market. | ulat ni Merry Ann Bastasa