Inatras na muna ni Senador Robin Padilla ang kanyang resolusyon na nananawagan ng pagkakaroon ng isang Senate inquiry patungkol sa nangyaring bakbakan sa pagitan ng militar at mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Datu Paglas, Maguindanao del Sur nitong June 18.
Ginawa ito ni Padilla matapos ang kanyang pakikipag-ugnayan at pakikipagpulong kay Presidential Adviser on Peace , Reconcillation and Unity (OPAPRU) Carlito Galvez Jr.
Pinahayag ni Padilla na nais niya munang bigyang-daan ang pag-usad ng imbestigasyon na ikakasa ng ehekutibo.
Binahagi ng senador na sa naturang pagpupulong ay sinabi sa kanya ni Galvez ang positibong tugon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mungkahi ng Central Committee ng MILF na agarang magsagawa ng walang kinikilingan, tapat at patas na imbestigasyon sa nangyari na gagawin ng isang third-party investigator.
Inatasan na aniya ni Pangulong Marcos ang Department of Justice (DOJ) na magsagawa ng hiwalay at patas na imbestigasyon tungkol dito.
Umaasa rin ang mambabatas na mapag-uusapan ang naturang usapin sa nakatakdang pagpupulong ng implementing panel ng pamahalaan at MILF Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities (CCCH) at ang Ad Hoc Joint Action Group (AHJAG) sa unang linggo ng Hulyo.
Pinanawagan rin ng senador ang pakikiisa ng Bangsamoro Human Rights Commission on Human Rights sa pagtutok at pagpatnubay sa imbestigasyon. | ulat ni Nimfa Asuncion