Sumabak na sa 10 araw na pagtatrabaho ang mga benepisiyaryo ng TUPAD program sa Rodriguez, Rizal.
Nagsagawa ng community service ang beneficiaries mula sa iba’t ibang barangay bilang paghahanda sa malakas na buhos ng ulan na dulot ng Habagat.
Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE) sa Rizal, naglinis ang TUPAD workers upang maiwasan ang flashfloods sa kanilang komunidad.
Tatanggap ang mga ito ng P470 kada araw o kabuuang P4,700 sang-ayon sa minimum wage na itinakda sa CALABARZON.
Naka-monitor naman ang Rizal Provincial Office sa pamamagitan ng TUPAD Focal Person at coordinators sa aktibidad ng mga benepisyaryo.
Una rito, inanunsiyo ng DOLE na nasa 1,100 individuals ang nabigyan ng pansamantalang trabaho sa Rodriguez na pawang mga bangkero, may-ari ng kubol, tour guide, pastol at magsasaka. | ulat ni Hajji Kaamiño