Nagpadala na ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ng Government Emergency Communications System – Mobile Operations Vehicle for Emergencies (GECS-MOVE) unit sa Bangued, Abra para sa patuloy na komunikasyon sa mga apektado ng Bagyong Egay.
Agad ipinag-utos ni DICT Sec. Ivan John Uy ang deployment ng GECS-MOVE mobile unit kasama ang pitong miyembro ng Government Emergency Telecommunications Team (GETT) matapos na isailalim sa State of Calamity ang lalawigan.
Bukod naman sa Abra, nakapagpadala na rin ang DICT ng generator sets sa dalawang pasilidad nito sa Tuguegarao City at satellite broadband internet dish at router sa Calayan, Cagayan para maibalik ang connectivity sa mga site na pinagagana ng Government Network (GovNet).
Inatasan na rin ng kalihim ang Disaster Risk Reduction and Management Division (DRRMD) na makipag-ugnayan sa Regional Offices (RO) sa Region 1, Region 2, at Cordillera Administrative Region kung kinakailangan sa mga ito ng karagdagang ICT equipment para maasistehan ang mga apektadong lugar.
Tiniyak naman ni Sec. Uy na nakikipagtulungan na sila sa mga telco para maibalik ang mobile signal at internet connectivity sa mga apektado ng Bagyong Egay. | ulat ni Merry Ann Bastasa
📷: DICT