Nagsagawa ng flushing operation at pagsusuplay ng tubig ng operation team mula sa Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO), sa Baseco Evacuation Center ngayong araw.
Ito ay bahagi ng pag-agapay ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa mga nagsilikas na pamilya sa Baseco, at kasalukuyang tumutuloy sa evacuation center dahil sa masamang panahon dulot ng habagat na pinaigting ng bagyong Egay at Falcon.
Ayon sa Manila DRRMO, layon nito na mapanatiling malinis ang nabanggit na lugar at mabigyan ng sapat na tubig ang mga evacuee na magagamit sa kanilang pangangailangan.
Magugunitang lumikas ang nasa mahigit 200 pamilya mula sa Barangay 649 nitong weekend, dahil sa walang patid na pag-ulan sa lugar na nagdulot ng pagbaha.
Ayon naman sa Manila LGU, karamihan sa mga ito ay nakauwi na rin kahapon bagaman may ilan pa ang naiwan dahil sa nananatili pang lubog sa baha ang kanilang kabahayan. | ulat ni Jaymark Dagala
📸: Manila LGU