Pinaalalahanan ng PNP ang publiko na may ipatutupad na isang araw na gun-ban sa tatlong rehiyong sa Lunes bilang bahagi ng seguridad para sa State of the Nation Address (SONA) ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay PNP Directorate for Operations Director Police BGen. Leo Franciso, magsisimula ang gun ban ng 12:01 ng hatinggabi sa Hulyo 24, at tatagal hanggang 11:59 ng gabi ng araw ding yun.
Ang mga rehiyong sakop ng ‘gun ban’ ay ang Metro Manila, CALABARZON at Central Luzon.
Dahil sa ‘gun ban’, suspendido ang lahat ng permit to carry firearms outside residence o PTCFOR ng mga gun owner sa mga nabanggit na rehiyon, at tanging mga alagad ng batas ang pahihintulutang magbitbit ng baril.
Nabatid na mas maikli ang pagpapatupad ng gun ban sa SONA ngayong taon kung ikukumpara sa nakaraang SONA dahil maayos naman ang isinagawang security at risk assessment ng security forces.
Wala namang bantang namo-monitor ang PNP sa SONA. | ulat ni Leo Sarne