Tinitingnan ng Quezon City Police District (QCPD) ang posibilidad na madagdagan pa ang mga suspek sa pamamaril sa photojournalist na si Joshua Abiad at sa pamilya nito.
Sa isinagawang presscon sa Kampo Karingal, sinabi ni QCPD Chief Gen. Nicolas Torre III na may isa pa silang sasakyang tinutunton na may kinalaman din sa krimen.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumalabas aniya na dalawang sasakyan at dalawang motorsiklo ang ginamit sa pananambang.
Dahil dito, maaari aniyang madagdagan pa ang persons of interest sa krimen.
Sa pagkakaaresto naman sa dalawang suspek ay kumpiyansa ang QCPD Chief na malapit na ring mahulog sa kamay ng mga otoridad ang iba pang suspek kasama na ang itinuturong mastermind na umano’y dating barangay chairperson ng Pasay.
Sinisiguro lamang aniya ng QCPD na matutunton at mapapasuko ng tahimik ang mga suspek para makuha ang kanilang mga salaysay at maharap ng personal ang mga kaso.
Una nang kinumpirma ng QCPD na arestado na rin ang isang Jomari Dela Cruz Campillo na nagsilbing spotter sa krimen at nakita sa CCTV na tumakas matapos ang ambush.
Nasa kustodiya ngayon ng QCPD CIDU sa Kampo Karingal ang suspek na inaasahang mahaharap sa patong-patong na kaso. | ulat ni Merry Ann Bastasa