Pinalawak pa ng Valenzuela LGU ang anti-gambling campaign nito sa tuluyang pagbabawal sa lahat ng klase ng online gambling, STL at Philippine Offshore Gaming Operations (POGOs) sa lungsod.
Inanunsyo ito ni Valenzuela Mayor Wes Gatchalian sa isinagawang pulong balitaan ngayong umaga.
Ayon sa alkalde, inaprubahan na nito at ng City Council ang ilang ordinansa na nagbabawal sa illegal gambling activities sa lungsod.
Kabilang dito ang City Ordinance No. 1105 na hindi na magpapahintulot sa pagpasok ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGOs) sa territorial jurisdiction ng Valenzuela.
Sa ilalim naman ng Ordinance no. 1107, limang taong may moratorium o hindi muna pahihintulutan ang aplikasyon ng mga online gambling gaya ng Online Casino, E-Games, Online Sabong, E-Bingo, at Small Town Lottery (STL)
Exempted dito ang online gambling establishments na operational na at mayroon namang valid business permit.
Samantala, sa bisa ng Ordinance no. 1108 o ang 2023 Anti-Illegal Gambling Ordinance, ay bawal ang makisali, makipusta, mag-operate at magpondo ng anumang uri ng sugal kabilang ang topada, sakla, video karera, jueteng, cara y cruz, ending, tong-its, mahjong, at maging mga sugal na gumagamit ng slot machines, street racing, at iba pa.
Pagmumultahin ang mga mahuhuling nagsusugal mula ₱1,000 hanggang ₱50,000
Ayon kay Mayor Gatchalian, prayoridad nitong matiyak na hindi magiging biktima ng illegal gambling ang mga residente sa lungsod.
“We all know that gambling can destroy the lives of the people. If we remember, during the pandemic, instead of buying food, the people used our financial assistance to spend on gambling. I believe it is not morally correct. If we legitimize this, people will be encouraged to continue gambling. This is already a culture for us here in Valenzuela. We do not condone gambling here in the City.”
Nais din aniyang maiwasan ng LGU ang napakaraming isyu gaya ng money laundering, human trafficking, at prostitusyon na kaakibat na rin ng illegal gambling at POGO. | ulat ni Merry Ann Bastasa