Kumpiyansa ang ilang mga mamimili sa San Juan City na maaawat pa ng pamahalaan ang pagtaas ng presyo ng bigas sa mga pamilihan.
Ito’y makaraang atasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang iba’t ibang kinauukulang ahensya ng pamahalaan na suportahan ang mga magsasaka at trader ng bigas.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipnas sa Agora Market sa San Juan City, sinabi ng ilang namimili na inaasahan nilang madaragdagan na ang suplay ng bigas sa mga susunod na buwan dahil malapit na anila ang panahon ng anihan.
Kasalukuyang naglalaro ang presyo ng bigas mula ₱51 ang pinakamura hanggang sa ₱100 ang pinakamahal depende sa klase ng bigas na bibilhin.
Una na ring ipinag-utos ng Pangulo sa Bureau of Customs o BOC na pag-aralan kung maaari bang i-donate sa Department of Social Welfare and Development o DSWD ang mga nasabat nilang smuggled na bigas. | ulat ni Jaymark Dagala