Nakatakdang magbigay ng 300 metriko tonelada ng bigas ang bansang Japan para sa mga pamilyang apektado ng pagputok ng Bulkan Mayon sa Albay.
Ang nasabing donasyon ay nakapaloob sa ilalim ng framework ng ASEAN Plus Three Emergency Rice Reserve (APTERR).
Ang turnover ceremony ay gagawin sa bayan ng Camalig sa Huwebes, August 17, na pangungunahan ng Economic Affairs Minister ng Embahada ng Japan na si G. Daisuke Nihei, mga opisyal mula sa Department of Agriculture, Department of Social Welfare and Development, National Food Authority, APTERR Secretariat, at mga opisyal mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Albay.
Batay sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council nitong August 10, aabot sa kabuuang 9,876 na pamilya o 38,961 na mga indibidwal mula sa 26 barangay ang malubhang naapektuhan ng pagsabog.
Nasa 5,371 na mga pamilya ang patuloy pa rin na tumutuloy sa 27 na evacuation centers, habang nasa 418 na pamilya naman ang nanunuluyan sa labas ng evacuation centers.
Ang APTERR ay isang regional cooperation na sinimulan noong 2012 na layong palakasin ang food security, poverty alleviation at malnourishment eradication sa mga bansang kasapi nito. | ulat ni Gab Villegas