Nagpulong ang pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at La Salle Green Hills.
Ito ay upang talakayin kung paano mas magiging maayos ang daloy ng mga sasakyan sa paligid ng paaralan ngayong balik-eskwela na ang mga mag-aaral.
Matatandaang isang SUV driver ang nag-iwan at nagparada ng kaniyang sasakyan sa gitna ng kalsada sa harap ng nasabing paaralan sa Mandaluyong City, na nagdulot ng mabigat na trapiko sa lugar.
Pinangunahan nina MMDA Assistant General Manager for Operations Assistant Secretary David Vargas at MMDA Traffic Discipline Office Director for Enforcement Atty. Victor Nunez ang pulong, kasama ang mga kinatawan ng La Salle Green Hills.
Kabilang sa mga natalakay ang pagpapatupad ng bagong traffic scheme sa lugar simula sa September 4.
Tinalakay din sa pulong ang mga itinalagang loading at unloading zones sa La Salle lalo pa at back-to-school na ang mga estudyante.
Sa ngayon, ipinatawag na ng Land Transportation Office (LTO) ang SUV driver matapos sumulat ang MMDA sa ahensya dahil sa maling inasal nito.
Pagpapaliwanagin ng LTO ang SUV driver kung bakit hindi dapat kumpiskahin ang lisensya nito sa pagmamaneho. | ulat ni Diane Lear