Pinuri ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. ang mga operatiba na nagsagawa ng matagumpay na operation sa Surigao City kahapon kung saan nakuha mula sa tatlong arestadong suspek ang mahigit 13 milyong pisong halaga ng shabu.
Ang buy-bust operation sa compound ng Philippine Ports Authority sa Brgy. Lipata ay isinagawa ng mga tauhan ng Police Regional Office (PRO) 13, Philippine Drug Enforcement Unit 13, at Philippine Coast Guard.
Kinilala ang 3 arestadong suspek na sina: The Jamil Mawi, alias “Diala,” 48; Naif Abdul, alyas “Janalan,”37; at Aminodin Ampaso, alyas “Din,” 33.
Nakuha sa tatlong kinokonsidera na big-time drug personalities ang humigit kumulang dalawang kilo ng shabu.
Ayon kay PRO 13 Regional Director PBGen. Kirby John B. Kraft ito ay maituturing na isang “significant achievement” sa kampanya laban sa droga sa rehiyon.
Tiniyak naman ni Gen. Acorda na magpapatuloy ang pinaigting na kampanya ng PNP laban sa iligal na droga sa tulong ng mga partner agency para makamit ang “drug-free Philippines”. | ulat ni Leo Sarne
📷: PNP-PIO