Naglunsad ng moto-propio investigation ang PNP Internal Affairs Service (PNP-IAS) sa kaso ng pulis na aksidente umanong nakapatay sa isang menor de edad sa Rodriguez, Rizal noong Linggo ng hatinggabi.
Ayon kay PNP-IAS Inspector General Alfegar Triambulo, possibleng maharap sa kasong administratibo na grave misconduct at conduct unbecoming of police officer si PCpl. Arnulfo Sabillo na pagkasibak sa serbisyo ang kaparusahan.
Ang 15 taong gulang na biktimang si John Francis Ompad ay aksidenteng tinamaan sa tiyan at namatay kinalaunan, matapos paputukan ng pulis ang kapatid ng biktima na si John Ace Ompad, na hinabol ng pulis nang hindi tumigil sa checkpoint.
Base sa normal na proseso ng kasong administratibo sa pulis, magkakaroon muna ng fact-finding investigation ng 3 araw kung saan nangangalap ng mga ebidensya at testimonya para sa kaso.
Pagkatapos nito ay uusad ang pre-charge investigation na tatagal ng 7 araw.
Pagkatapos ng pre-charge investigation, magkakaroon naman ng summary hearing na tatagal ng 20 araw. | ulat ni Leo Sarne