Asahan na ang mabigat na daloy ng trapiko sa kahabaan ng Marcos Highway partikular na sa bahagi ng Lower Antipolo City simula ngayong araw.
Ito’y dahil sa sisimulan na ng Department of Public Works and Highways o DPWH ang Phase 4 ng flood control project sa kahabaan ng Marcos Highway sa bahagi ng Lower Antipolo City.
Layon ng nasabing proyekto na maibsan ang nararanasang pagbaha sa lower Antipolo gayundin sa mga kalapit na lugar nito tulad ng Marikina, Cainta at iba pa.
Sa abiso ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, tatagal ng halos isang taon ang naturang proyekto o hanggang sa Hulyo 23 ng susunod na taon.
Dahil dito, pinapayuhan ang mga motorista na dumaan sa mga alternatibong ruta o ‘di kaya’y mag-adjust na lamang sa oras ng pag-alis patungo sa trabaho o eskwela upang makaiwas sa aberya. | ulat ni Jaymark Dagala