Inihayag ni San Juan City Mayor Francis Zamora na naghandog ang Lokal na Pamahalaan ng San Juan ng tulong pinansyal sa lalawigan ng Ilocos Norte.
Ang naturang lalawigan ay isa sa mga pinakanapinsala ng bagyong Egay at kasalukuyang isinailalim sa state of calamity.
Ayon kay Zamora, nagbigay ang San Juan City LGU ng P1.5 milyon na tulong pinansyal mula sa City Disaster Risk Reduction and Management Fund para sa Ilocos Norte upang magamit sa disaster and relief operations ng lalawigan.
Nakatakda ring magkita sina Zamora at Ilocos Norte Governor Matthew Marcos Manotoc upang maipaabot ang pasasalamat ng gobernador sa Pamahalaang Lungsod ng San Juan ngayong araw.
Batay sa pinakahuling datos, umabot na sa mahigit P3 bilyon ang halaga ng pinsala sa mga bahay, imprastraktura, at agrikultura sa Ilocos Norte. | ulat ni Diane Lear